Paano kita mamahalin?
Pilit kitang inaangkin, pilit ka namang hihilahin,
Akala ko ba'y malaya kitang yayakapin?
Maylikha ang nagpataw, hindi ka naman binibitaw,
Sabihin mo sa akin,
Ikaw ba'y tunay na nagtitiwala sa akin?
Paano kita mamahalin, sa paraang kaya ko?
Kaya kitang mahalin, tapat at buo,
Ngunit pag-ibig ko ba’y matatanggap mo?
Una pa lang kitang nakita, ako’y bihag mo na,
Sarili’y iginapos: hindi na kakawala,
Ngunit pagmamahal kong narito, nadarama mo ba?
Paano kita mamahalin, sa paraang kaya ko,
Kung kay dami rin ng iyong mga kasiphayo?
Minamahal kita, ipinagpalit ang iba,
Nang mangyaring pagmamahal ko, iyo ring sinta,
Tinuring una, tinalo ang iba,
Habang pagmamahal ko,
Tinutukoy ng iba’y wala.
Malaki raw ang entablado,
Para magsama, ikaw at ako,
Ngunit, ang sikip-sikip naman ng ginagalawan ko.
Malaya raw akong makakasayaw,
Ngunit ang musika, ang musika’y ‘di iisa!
Paano sasayaw sa musikang ‘di iisa,
Kung ang paa lamang ay dadal’wa?
Paano kita mamahalin, sa paraang kaya ko,
Kung sa lahat ng nagawa, ni isa hindi nakita?
Nilangoy ang dagat, binago ang alamat,
Wari’y damhin mo, wala nang saki’y tatapat.
Pagmamahal kong taglay, wagas at tunay.
Pagmamahal kong tangan, hindi ka naman pinabayaan.
Dugo'y ubos, puso'y lunos,
Ngunit pagmamahal sayo, hinding-hindi nauubos.
Paano kita mamahalin, sa paraang kaya ko,
Tinig ko’y dinggin, maliit man kung tutuusin,
Kailan ka nga ba tunay na magpapamahal sa akin?
=============
No comments:
Post a Comment