Saturday, July 18, 2009

Panakip Butas

Naroon siya sa eskinita, at nakatunganga sa pader sa harap niya. Nagtaka ako kung bakit naroon siya bagamat gabi na at delikado pa. Ngunit mas nagtaka ako kung bakit sobrang bigat ng tingin niya sa pader na nakapagitan sa dalawang building. Marahil ay inakala niyang may daan pa rito sapagkat sa malayo, hindi mo gaanong mapupuna na mayroon palang pader rito.
Palalim na ng palalim ang gabi. Nais ko sana siyang lapitan at sabihin na umuwi na siya sapagkat delikado na at ang kanyang kinatatayuan ay kuta ng mga drug pusher. Natatakot ako na baka mabalitaan ko na lamang ang kanyang pagkasawi nang dahil sa alam kong may nagawa sana ako ngunit hindi ko nagawa.
Nananatili pa rin siyang nakatalikod sa akin at nakaharap pa rin sa pader. Ang mahaba niyang buhok ay nakatirintas ng pinong-pino bagamat mayroon pa ring ilang buhok na hindi napasali sa tirintas. Nakasuot siya ng asul na blusa at puting palda na hanggang tuhod lamang ang haba. Mataas ang takong ng kanyang sapatos at ang kanyang bitbit na bag ay mukhang mamahalin pa. Ang kanyang halimuyak ay tila mga bulaklak sa hardin, napakabango at nakahuhumaling.
Matindi ang kanyang pagtitig sa pader. Nadarama kong may halong poot at takot ang kanyang pagtitig, sapagkat sa kabila ng kanyang mga hikbi ay mahigpit ang kanyang pagkakapit sa kanyang bag.
Kakalabitin ko na sana siya nang bigla siyang natumba. Nakadaupang ng kaniyang mukha ang matigas na semento na siyang nagsanhi ng pagdugo ng kanyang noo. Hinatak ko ang kanyang bewang at itinihaya ko siya nang maiahon mula sa pagkadaupang ang kanyang mukha at nang malunasan man lang ang pagdurugo ng kanyang noo.
Kay kinis ng kaniyang mukha at halos dinaig pa ang perlas sa pagkaputla. Malamig ang buo niyang katawan at kasing tigas pa ng yelo. Mayroon pa naman siyang pulso kaya nalaman kong siya ay buhay pa.
Saklolo! Sigaw ko sa parang. Saklolo! Sigaw ko na sana ay may makarinig.
Lumuha lalo ang kaniyang mga mata. Saklolo! Iyon din ang sabi niya.
Nagalintana akong tanungin kung bakit tila ba bangkay ang aking hawak ngunit ramdam kong siya ay buhay na buhay. Kanina lamang ay mahusay ang kaniyang tindig at mahigpit pa ang kapit sa bag, ngunit ngayon siya ay nanlalata at nanghihina.
Pumarada ang ambulansya sa aming tapat. Agad nagsibabaan ang mga aide at kinuha siya sa aking mga kamay. Mabuti na lamang at may nakarinig, nakapuna o, hay bahala na kung paano sila napadpad dito. Para sa akin, ituturin ko na lamang itong isang milagro, sapagkat sa oras na ito, bihira na ang makasalubong ng mabuting tao. Kung tutuusin, hindi nga rin nagpunta ang mga pusher sa kuta nilang ito ngayong gabi.
At naiwan ako ng ambulansya sa kadahilanang matindi ang aking pagtitig sa pader sa aking pagmumunimuni sa lahat ng naganap ngayong gabing ito. Papauwi pa naman ako sa aking dormitoryo at panigurado, sarado na ito.
Nilapitan ko ang pader nang malaman ko kung ano ba nag pinupuntirya ng kaniyang mga mata bago siya natumba. Nais kong malaman kung ano ba ang dahilan kung bakit halos ikamatay niya pa yata ang pagtatayo sa harap nito. Nais ko ring malaman kung bakit nababalot ng poot at sakit ang kaniyang mga mata sa pagtitig sa pader na ito. Hindi kaya siya ay baliw?
Gamit ang kaunting ilaw mula sa buwan at ang mga poste sa unahan, aking inusisa ang pader. Wala namang akong ibang nakita kundi mga hollow blocks at semento, pati mga sulating walang galang. Nadismaya ako, sapagkat sinayang ko lamang ang aking oras sa isang baliw.
Napaupo na lamang ako at napasandal sa pader. Ngunit may naramdaman akong bagay na basa at malambot sa may aking likuran na kinasasandalan ko ng pader. Kinapa ko itong mabuti bago ko tinignan.
Tibok. Tibok. Tibok.

No comments:

Post a Comment

ShareThis!