Saklolo
ni Cassandra B.
May isang dalagang naglalakad sa gitna ng kalsada. Malalim na ang gabi, at malakas pa ang ulan. Hindi ko mabatid kung saan siya paroroon, at kung bakit ngayon pa niya napiling maglakbay. May malapad na pulang laso na nakapalibot sa kanyang leeg. Derecho lamang ang kaniyang tingin, ngunit hindi ko alam kong saan nga ba nananalaytay ang kanyang titig. Ang puti niyang bestida ay basang basa na, pati na rin ang itim na librong bitbit ng kaniyang kanang kamay. Ang mahaba niyang itim na buhok ay parang belo na nakapatong sa kaniyang bumbunan. Pula ang kaniang mga labi, ngunit maputla ang kaniyang kutis.
Tumigil siya sa paglalakad. Nananatiling derecho ang tingin ng dalaga, ngunit hanggang ngayon ay hindi ko mabatid kung saan siya nakatingin, o kung may tinitingnan nga siya. Inusisa ko ang kaniyang paa. Ang kaliwang paa ay nakayapak, ang kanan ay nakasuot ng napakagandang tsinelas na may mataas na takong. Sugatan ang kaniyang mga makinis na paa, hanggang sa kaniyang tuhod. Duguan na nga ang mga ito, marahil ay nadapa siya. May mga napadikit din na damo sa kaniyang puting bestida. Nagtaka tuloy ako kung saan siya nanggaling. Marahil ay nawawala siya.
Mababaw ang kaniyang paghinga ngunit mabagal. Para bang masikip ang kaniyang dibdib. Nakalagay ang kaniyang galusang kaliwang kamay sa kaniyang dibdib, at ang kanan niyang kamay na kapwa galusan din ay nakababa lamang at tangan ang itim na libro.
Napadpad na naman ang aking paningin sa pulang laso na nakatali sa kaniyang leeg. Ano nga ba ang silbi nito? Matingkad ang kulay nito, mas matingkad pa sa mga rosas pag tag sibol. Nakapalupot ito ng mahigpit sa kaniyang leeg ngunit parang napigtas ang dulo nito. May ilang piraso din ng damo na nakadikit rito, pati na rin sa kaniyang buhok.
Ang kaniyang mga mata ay derecho padin ang titig. Ngunit aking napuna, parang wala naman siyang tinitignan. Itim ang kaniyang mga mata, kasing itim ng kalangitan ngayong maulang gabi na ito. Namumula ang puti ng kaniyang mata, at may kaunting galos ang kaniyang mukha.
Napatingin ako sa labi niyang mapulang mapula. Ito ay biglang ngumiti, isang ngiting kapwa napakatamis at nakakakilabot.
Unti-unti niyang ibinaba ang kaniyang kaliwang kamay.
May dugo na bumuhos mula sa kaniyang pulso.
Gusto ko sanang lumapit ngunit nakaramdam ako ng matinding hapdi sa aking kanang kamay.
Buhos lang ulan, buhos.