Sa silid-aralan tayo unang nagkita. Batid kong batang-bata ka pa, sapagkat ang iyong mga mata ay tila namamangha pa sa mga nasa paligid, na tila ba ang iyong mga inosenteng mga pantingin ay nababahiran na ng mga bagay na hindi mo kinasanayan at kinalakhan. Puting blusa at mahimpis na maong ang iyong suot, at sa paanan ay tsinelas na burgis. Malaki ang tangan mong bag, na parang noon sa hayskul, kaya lalo kong napagwari na ikaw nga ay bago.
Palagi ka na lamang may sagot sa propesor, na tila ba mas angat ka kaysa sa aming mga nakatatataas pa ng antas kaysa sa iyo. Ngunit hindi batid sa iyong mukha, pagkat para ka lamang isang kuting na maamo, na ni walang kuko na maipangkakamot sa mga nagaamok.
Noong una palang kitang nakita, ang mga kuko mo ay naibaon mo na ng napakalalim sa puso ko.
Binawi ko ang aking pagkatahimik, sapagkat sayo ako ay namangha. Ang inaakala kong batang inosente, batang mangmang, batang paslit, ay siya naman palang isang buwan na siyang sisikat sa mga gabi kong mapanglaw. . . isang matamis na himig sa gitna ng aking pagtatangis. Kinausap kita at tayo ay naging magkaibigan. Halos hindi ko na nga kaylangang magtanong, sapagkat itinuturing mong bukas na libro ang iyong buhay, na maaring buklatin ng sino man ang interesado. Masugid naman akong nakinig sa iyong mga saloobin, at nalaman ko rin ang iyong mga ayaw at gusto. Ang kulit mo pala, akala ko noong una mahinhin ka at walang kibo, ngunit sa pagtagal ay napagwari kong masayahin ka pala. Napapasaya mo ako sa mga paraang hindi mo napapansin. O pinapansin.
Sabihin mo sa akin ang iyong lihim, sapagkat nababanaag ko sa iyong munting mga mata na may itinatago ka. . .
Ako ay ang iyong masugid na saksi sa bawat pagwawagi, sa bawat pagsalita, sa bawat pagtatanghal. Lagi akong nasa iyong likod sa tuwinang ikaw ay walang kasama. Lagi akong nakaabang sa tuwinang parang babagsak ka na.
Oo, sa tuwinang parang babagsak ka.
Para kang dagat, patuloy ang pagalon, umaalon kang walang humpay. Sa bawat ihip ng hangin, ikaw ay nakikisabay. Kailan ka ba titigil? Kailan ka ba magpapahinga?
Naging saksi ako sa pagkabiyak ng iyong puso. Nadudurog ang aking puso sa tuwinang ikaw ay umiiyak, sapagkat nais kong yakapin ka, nais kong palakasin ka, ngunit wala akong magawa kundi ang patahanin ka. Sana, kung ako na lamang siya.
Naging saksi ako sa kamuntikan mong kamatayan. Natigil ang aking paghinga nang masilayan ko ang iyong binukang pulso. Akala ko pa naman ay walang pipigil sa iyo, subalit bakit ngayon ay tila ba ikaw ay sumusuko? Sana, kung ako na lamang siya.
Sabihin mo sa akin ang iyong lihim, sapagkat nababanaag ko sa iyong munting mga mata na may itinatago ka. . .
No comments:
Post a Comment