Nathaniel. Isang pangalang nababanaagan ng kabanalan bagamat tila ba pangalan ng anghel at pangalan ng santo. Sa pagbigkas ng ngalan na ito ay tila ba ito ay walang kasing banal, walang kasing bait at walang kasing busilak. Halos mababanaag na nga rin ang katauhan ng kung sino mang may tangan ng pangalan na ito: mabuti, marangal at tapat.
Siya ay nakilala ko lamang noong ako ay kasalukuyang naglalakbay patungo sa paraiso. Nawawala kasi ako, sapagkat bigla akong iniwan ng kasama ko. Oo, may kasama dapat ako hanggang sa dulo, ngunit sa hindi ko malamang paraan ay bigla siyang naglaho at tangay ang lahat, kaya napakahirap na ng aking paglalakbay, tila ba tinatahak ko parin ang paraiso sa kalagitnaan ng kalbaryo.
Bigla siyang lumitaw sa aking harapan sa aking pag gising isang malamig at makulimlim na umaga. Siya lamang ang liwanag na nasilayan ko noong araw na iyon, sapagkat ang liwanag na bumabalot sa kaniya ay lubos na nakasisilaw, na tila ba binubulag na ang aking mga mata. Nabigla ako nang makita ko siya, kaya't bigla rin ang aking pagbangon ngunit natumba ako. Malaki kasi ang galos na aking natamo sa kanang paa buhat ng pagkasabit sa ugat ng isang puno habang ako ay naglalakad noong isang araw. Napuna niya ito agad kaya't inabot niya ang kanyang kamay at tutulungan umano akong tumayo. Iniabot ko nga ang kaniyang kamay at hinawakan niya ang aking kamay ng mahigpit ngunit nagtaka ako kung bakit hindi niya ako hinila pataas. May hinakbot siyang bagay sa kaniyang likuran at hinagod ito sa aking pulso. Nakita kong bumuhos ang dugo sa aking pulso at bigla akong nanghina hanggang sa ako ay hinimatay. Pinanood lamang niya ako. Hindi ko alam bakit niya ito nagawa dahil hindi ko naman siya kilala.
Ilang araw na ang nakalipas at kasama ko pa rin siya. Mahirap daw kasing maglakbay magisa kaya ako ay sinasamahan niya. Ngunit sa bawat araw na lamang na dumaraan ay tila ba mas mabuting magisa na lamang ang akong maglakbay kaysa araw-araw na masaktan.Hindi naman niya kasi ako tinulungang maghilom ang sugat na aking natamo na siya namang nagmula sa kanya. Nakapagtataka na nga ng sobra, dahil para sa kanya, ni hindi ko man lang mabatid ang kanyang pagsisisi sa sakit na ang nadarama buhat nitong puso kong nagdurugo, na tanging kapirasong tela lamang na lunod na lunod na sa dugo ang nagsasara sa nananakit na butas nito.Ngunit mas hindi ko mabatid na sa kabila ng pait na aking sinapit ay ni hindi ko man lang madama ang galit sa estrangherong ito. Subagay, ako nga naman ang dayo rito sa lugar na ito, lugar na kaniya nang kilala noon pa.
Lumulundo-lundo ang aking paglalakad, nasasaktan na ako, nahihilo na ako, naguguluhan na ako, nahihirapan na ako. Sa paraiso nga ba ako pupunta?
“Halika,” sabi nya, sabay abot ng kanyang kamay. Hay sa wakas, nadama rin niyang kinakailangan ko ng tulong. Halos mag iisang buwan na akong nagdurusa, at ang puso ko’y tuluyang nagdurugo pa. Malugod kong iniabot ang kanyang kamay, at inakay niya ako ng ilang mga hakbang. Marahil ay akala niya’y ako ay masamang nilalang na hindi niya maaring tanggihan, kaya’t sinasaksak na lang niya ang aking dibdib nang sa gayon ay hindi ko na tangkaing gawaan siya ng masama. Wala naman akong balak na ganoon, sapagkat ako naman ay isang mabuting nilalang, na nasaktan rin lang naman.
No comments:
Post a Comment